Panawagan!

Inaanyayahan po namin ang Jhophak's na magpost dito. Salamat!
Las Mon!
Una kong narinig sa titser ko ang mga salitang ito. Ewan ko kung dapat ba akong magalit at mabanas sa sinabi niya.

“Class hindi niyo ba alam na ang gravity ng Mars ay ganoon din sa planetang X? Ang iron oxide na bumubuo sa core ng Mars at X ay magkasindami kaya ang mga kamag-anak nating mga aliens, Martians at iba pa ay bumibisita dito sa Earth dahil mas maganda ang paghatak ng kaselanan dito. Kaya kung may mga kadugo kayong Martians na naririto, hayaan niyo na, talagang ganyan, mas maganda ang kita ng Philippines ‘no, because of our tourist spots, tataas ang ekonomiya natin because of tourism, especially the Martians, Andromedans and Mercurians…. For short, si Einstein ang bumuo ng e=mc2 at X is not equal to Y, because Z is equal to µ, in las mon’s term,” paliwanag ng aming titser nang nakasalamin at tila… parang nag-iisip.

Huh? Ano naman ang kinalaman ni Einstein sa turismo at ekonomiya ng Pilipinas? Parang pinakain ko tuloy ng French Fries ng Jollibee ang baboy naming malapit nang paglamayan, at, “Z is equal to µ in l-la-las -”

“Las mon, Robert!” Pahiyaw na sinabi sa akin ng titser namin. Nakakahiya… ano ba iyon ???

“Las mon?” Napaisip ako. Ano ba’ng ibigsabihin nun?

Narinig ko uli ‘yon sa isang estudyante sa Camiling, estudyante siya ng TCA, Tarlac College of Astronomy. Isa siyang Hapones na lalaki, nag-aarar magsarita ng Engrish.

Siya si Kar Oste Sarharor. Ipinanganak daw siya sa Hokkaido, Japan at tumira sa Korea noong two years old pa lamang siya. Nagsimula siyang maglakad sa Great Wall of China noong three years old siya at nag-prep sa England. Noong six years old na siya, nag-aral siya ng elementarya sa Ireland... at nag-Grade 7 sa Canada... at nag-hayskul sa New Zealand... at nag-graduate ng hayskul sa Mexico at nag-take ng Psychology sa Vietnam... ng Computer Science sa Bombay, India... ng Petroleum Engineering sa Baghdad, Iraq at whew! Nag-graduate din sa wakas! Yun nga lang ang hindi ko alam kung sa’ng university.

Hindi pa naman siya masyadong matanda nung nag-aral siya ng English sa TCA. Sixty-two years old pa lang naman siya nun... at tinanggap pa rin naman ng TCA... kasi... (pero ‘wag niyong ipagkalat, huh! Kasi maraming datung! Napupunta raw ito sa bulsa ni... ni...).

Balik tayo sa topic. Oo, sa “Las mon”. Narinig ko ito sa kanya no’n nung tinanong ko....

“Mister Kar, ken I kwestyon yu?”

“Op kols. Wat is dat?”

(Ah... nakalimutan kong sabihin sa inyo... hindi siya nakaka-pronounce ng ‘R’... ay ng ‘L’ pala... hindi!? Hindi siya nakaka-pronounce ng ‘R’! Ang kulit mo, huh! May angal?) Okey, continue....

“I dyas want tu ask yu ip hu is yor peyburit dyapanis kartun karakter.”

“Kaltun kalaktel? May peybulit kaltun kalaktel is do-do-DOLASMON! Er, do – LAS MON!”

Huh? Do-do-do-LAS MON?!?

Napipi ang tenga ko at nabingi naman yung dila ko. Naulit pa ang insidente. Pero ngayon naman, sa katulong namin. Bisaya ba, Dong.

Laging ‘biyernes santo’ ang mukha no’n. Kung gaano kainit ang niluluto niya, gano’n din kainit ang ulo niya. Mas mainit pa.

Minsan, may niluluto siya, pero hindi ko alam kung ano ‘yon. Mainit kasi ang ulo niya no’n, tila may hinahanap. Para tuloy tinolang baka o dinuguang kabayo o tinuhog na palaka ang niluluto niya. At may kulang pa yatang sangkap. Sa tingin ko... muriatic acid.

“Anong... problema???” Napatanong ako sa kanya.

“May kulang akong sangkap.”

Tumpak! Kulang ng muriatic acid!!!

“Ano ba kasi ‘yon?” Nagtanong ako ulit, baka kasi hindi muriatic acid ‘yon. Baka linta lang.

“May nakalimutan ako... yung parang kalamansi....”

“Ano? Yung parang kalamansi?”

“Ah, naalala ko na!”

“Ano?!?”

“LAS MON!”


Bigla akong nanigas at nabitak into pieces. Yun lang pala. Las mon.

Marami pa akong experiences sa “Las mon” na ‘yan. Hindi nga lang nabibilang. Parang variable X and Y. At baka pag isulat ko lahat, magpa-autograph kayo sa akin nang ilang beses. Busy ako ngayon. Pati bukas. At magpakailanman.

Siya nga pala, bago tayo magtapos, gusto kong ulitin mong basahin ito. Baka kasi kung anu-ano na ang iniisip mo. Siya nga pala, “LEY MON” ang pag-pronounce sa “LAS MON”. Gets???


--END--
(Story by Mad Science. Language: Tagalog. For inquiries about this story, kindly ask through e-mail to kuwentuhantayo@yahoo.com or to the author's address, mad_science_31@yahoo.com.)